Re-incartion

November 27, 2011 in article

Ana

Ana

Re-incartion san nga ba nagsimula ang lahat ng ito? Sa pagkakaalam ko galing ito sa bansang Thailand na kung saan ang mga tao ay naniniwala na ang mga kamag anak nila namamatay ay pwedeng bumalik sa pamamagitan ng pagsalin ng espiritu nito sa katawan o sa katauhan ng ibang nilalang na kasisilang lang maging hayop man ito.

Dito sa Pilipinas madalang ang naniniwala dito, ngunit sa ibang naniniwala ang kanilang kaluluwa ay galing sa nakalipas na panahon na kung saan naging hari o reyna sila. Ang iba naman ay naging ordinaryong tao na nagkaroon ng maraming trahedya at sa susunod na buhay ito itinutuloy. Paano kaya kung ang buhay ko ngayon ay mawala at sa susunod na buhay ko na lang itutuloy? Anong buhay kaya ang meron sa kabilang panahon?

Minsan hinangad kong kitilin ang buhay ko dahil na rin sa ganitong paniniwala. Gusto kong ibalik ang mga bagay na nawala sa kin ngunit dahil ito ay pag aari na ng iba wala ako magawa. Paano kaya mamatay na ako at sa kabilang buhay ay magkita muli kami? Anong istorya kaya naman ay magagawa namin? Maipapagpatuloy kaya namin ang naudlot na istoryang pag ibig? Happy ending na kaya? O katulad lang ng ngayon na darating din sa huli na iibig siya sa iba? Ang sakit isipin na wala lang akong ginusto kundi magkaron ng taong magmamahal sa akin ng tapat kagaya ng mga napapanood sa telebisyon. Kagaya ng mga istoryang na hanggang sa huli ay sila pa rin ang magkasama. Ang sarap isipin na ang lahat ng ito ay nangyayari sa iba ngunit sa akin na patuloy umiibig pero dahil sa may iba na siya ang hirap tanggapin na ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa wala.

Kagabi habang kausap ang isang kaibigan nabanggit ko ang ganitong paniniwala. Sabi nya sa akin, sa panaginip daw minsan makikita ang iyong nakaraan. Sabi ko sa sarili ko, wala akong matandaan na magbibigay sa akin ng senyales na ito ang aking nakaraang mundo. Kaya noong alas tres na ng madaling araw napagpasyahan ko na matulog na, dahil gusto kong makita ang panahon noon. Gusto ko makita kung nadoon din sya. Gusto ko makita kung naging masaya kami. Gusto ko maramdaman ang pag ibig na nabuo namin noong nakaraang panahon. Naging magkasama ba kami hanggang sa huli? Happy ending kaya? Pero bigo ako dahil sa paggising ko wala akong matandaan. Ang tanging naramdaman ko lang ay puro sakit. Sakit na parang dinudurog ang puso ko dahil sa pangungulila sa taong aking patuloy na minamahal. Sabi ko tuloy sa sarili ko sana hindi na lang ako natulog. Sana hindi ko na lang naramdaman pa ang paggising ng umaga. Sana hindi na lang ako naniwala na may pag asa sa pagtingin sa panaginip para lang masagot ang mga katanungan na Diyos lang ang nakakaalam. 

Kaya ng gumising ako pinili kong mag isa muna kahit tanghali na at wala pang pagkain sa lamesa.

Gusto kong mag isip kahit minsan pagod na ako. Habang hawak ko ang sigarilyo sa kaliwang kamay ko nakita ko ang kutsilyo sa aming kusina. Naisip ko paano kaya kung isaksak ko ito sa tiyan ko. Sa pagmulat kaya ng aking mata nasa kabilang buhay na ako o narito pa rin dahil nailigtas ako. Ngunit bago ko pa nagawa yun naisip ko bigla na may takot pala ako sa Diyos. Umiyak na lang ako ng umiyak para kahit kaunti maibsan ang sakit na nararamdaman.

Biglang pumasok sa isip ko, bakit ko nga naman iisipin na kitilin ang buhay ko para lang makaramdaman muli ang pagmamahal sa kabilang mundo? Wala rin naman kasiguraduhan na isisilang muli ako o baka isilang nga ipis o lamok naman ako. Kaya ng pumasok ako sa loob ng bahay nakita ko ang aking pamangkin. Ano nga naman ginagawa nila? Lumapit ang panganay at humalik siya sa pisngi ko at sinabi “Tita  wala pang pagkain”. Kailangan ko na palang magluto. Pero kahit ganon nakita ko na hindi ko kailangan lumipat pa ng ibang panahon hindi man ito pag ibig ng taong mahal ko alam ko naman na may mga taong nagmamahal din sa akin. At kailangan ko mabuhay para mabuhay rin sila dahil na rin sa pagluto ko sa kanila ng kanilang almusal, na kung saan doon sila huhugot ng lakas para makapagsimula ng buhay sa buong araw. Hindi dapat ako mawala at dapat kong isipin na lang na may silbi pa rin ako sa mundong aking ginagalawan simple man pero nagbibigay pa rin ako ng buhay para sa iba.

ana
Re-incartion

One Comment

    1. Suzette Lyn says:

      That was nice Ana..

Re-incartion

0 Trackbacks